Nakakabuang kapag hindi nasasabi ang gustong sabihin. Nakakabaliw. Lumilipad lipad lang sa utak. Ang hirap pang hulihin... Para kang naghuhuli ng isang bagay na hindi mo alam kung ano.. Isang bagay na gusto mo lang hulihin para makawala.. Makawala sa tinatago ng iyong sarili at sa mga bagay na bumubulong at bumubulabog sa iyo.
Minsan nagaganap ang giyera. May isang sulok sa iyong katawan na nakikipaglaban para sa isang hangaring makawala at makaligtas. May isang sulok din naman na humihila sa iyo at nakikipaglaban din sa paraang hindi maayos at walang kasiguraduhan. Saan ka papanig? Saan ka pupunta? Sino ang iyong susundin? Dahil sa buhul-buhol na ideya, mga nakikipag-unahang utak, mga posibilidad na walang patutunguhan at mga ideyang paulit ulit na naiisip, hindi mo alam kung saan ka talaga papanig. Isang araw, napagkasunduan na dito ka kumapit. Ngunit darating din ang araw- malamang isa, dalawang oras lang ang nakalipas, heto na naman ang iyong sarili at nakikipaglaban kung tama ba ang desisyong ginawa o mas tama na pumanig sa kabila. Hanggang sa makita mo na lang ang iyong sarili na ginagawa ang mga bagay na wala na naman sa patutunguhan at walang kasiguraduhan.
Hanggang kailan ba ang labanang ito? Hanggang kailan makikipaglaban ang iyong sarili laban sa iyong sarili? Sariling utak laban sa sariling hangarin? Sariling hangarin laban sa nakatakda. Sariling paraan laban sa nakatakdang paraan. Hanggang kailan?
Dahil sa buhul-buhol na ideya, nagaganap ang mga ganitong pagtatalo. Kung susuriin, dapat lamang sigurong ayusin ang mga ideya -ayusin ang pagkabuhol nito, ituwid, plantsahin kung maari at gawing pulido. Ngunit paano? Paano?
Punung-puno ng katanungang walang kasagutan. Wala o maaring di alam ang kasagutan. Kung alam man, di pala kayang gawin, di pala kayang panindigan. Ngunit dapat tulungan ang sarili. Sa lahat ng pagkakataon, nagtatalo man ang mga ideya sa loob ng utak, dapat tulungan ang sarili. Sa kahit anong paraan.
Sa kahit anong paraan? Utak na naman ang pagaganahin -Ang aalam kung ano ba itong "kahit anong paraang" ito. Madadagdagan na naman ang bubuhol sa utak. Madadagdagan na naman ang mga hinaing, mga pagtatalo. Wala nang katapusan.
Plak. Plak. Plak.
"Tulong! Tulong! Tulong! Ano ba ang dapat gawin? Ano ba? Tulong!"
> "Itulog mo na lang yan"
>> "Iinom mo na lang yan, tara alak tayo! Yosi ka muna."
>>> "Drugs tayo gusto mo?"
>>>> "Magbasa ka na lang ng libro.. Kahit anong libro"
>>>>> "Mag-aral ka na nga lang.."
>>>>>> "Isulat mo nalang yan.."
Pinahihirapan mo lang ang sarili mo!
Tama laban sa mali. Dahil lang sa buhul-buhol na utak, malululong ka na sa alak, sigarilyo, at droga.. Buti ba kung sinunod mong magbasa na lang, mag-aral o di kaya naman ay magsulat. Depende lahat sa iyong utak, sa iyong sarili, sa iyong sarili, kung alin ang susundin mong paraan..
Iyan ba ang dahilan kung bakit ang ilang kabataan ay nalululong sa mga ganitong bagay? Dahil sa buhul-buhol na ideya sa utak?...
Kung iisipin ano ba ang punu't dulo ng pagtatalong ito? Ano ba ang dahilan ng pagkabuhul-buhol ng mga ideya sa utak mo? Ano?
--Siguro dahil hindi mo nagagawang kumawala sa iyong sarili. Kumawala sa mga ideyang bumubulabog sa'yo--Bumagsak ka sa school, naghiwalay ang iyong mga magulang, broken-hearted ka, loner ka, nawalan ka ng kaibigan, namatayan ka ng aso, pusa o minamahal sa buhay, nireject ka, naguguluhan ka sa iyong sarili, nawawala ka, naliligaw ka, di mo alam kung saan ka pupunta, di mo alam ang silbi mo sa buhay, di mo makita kung sino ang dapat panigan, ano ba ang dapat panigan, nakakita ka ng taong pinatay, pumatay ka ng kapwa, nagsamantala ka, nanakit ka ng kapwa at iba pa...
--Siguro kailangan lang na tulungan ang sarili. Ilabas mo, ika nga. Nagtatalo man ang mga sulok sa iyong utak, kailangan pa ding tulungan ang sarili.
Paano?
--Siyempre, unang una sa lahat humingi ka ng tulong kay God. Lahat ng iyan tungkol sa iyo alam ni God, kaya naman huwag magatubiling humingi ng tulong Sa Kanya..
-- Ilabas mo lang.
-- Ipahinga mo lang.
-- Kumain ka.
-- Magpakasaya ka.
Pero higit sa lahat, tawagin mo Siya. Siya ang makakatulong Sa'yo. Hindi ako sobrang relihiyosong tao. Isa rin akong napakamakasalanan. Pero sa panahon ngayon alam ko Siya lang ang makapagtutwid ng pagkabuhol ng iyong utak. Samahan mo na lang ng ibang ingredient, isang ingredient na ibibigay Niya din sa iyo. Parang isang rekado na bubuo sa lasa ng buhay. Bubuo sa tamis, pait, saya, lungkot at silbi ng buhay kasama si God.
Kung ano man ang ingredient na iyon, ipaubaya mo na lang din kay God.. Proven and tested, to attain peace-of-mind.
Nakakabaliw talaga kapag di nasasabi ang mga gustong sabihin. Pero kahit ganon, nalalaman mo kung sa paanong paraan mo matutulungan ang iyong sarili...
Paano nga ba?... Haay.
Each person answers for their own actions, and even then its God who decides.
Monday, March 30, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment